Umaasa ang pro-democracy coalition na 1Sambayan na magbabago pa ang lahat para sa mga nominado nitong pambato sa 2022 elections.
Ito’y matapos tumanggi ang ilan sa mga pinangalanang potensyal na kandidato ng 1Sambayan sa darating na halalan.
Ayon kay Atty. Howard Calleja, isa sa co-convenor ng koalisyon, bagama’t nagsabi na ang ilang na wala silang planong tumakbo sa kahit anomang posisyon sa halalan, nariyan pa rin ang posibilidad na magbago pa ang kanilang isip hangga’t hindi pa sumasapit ang filing of candidacy sa Oktubre.
Ani Calleja, ginagalang nila ang desisyon ng mga ito at handa silang bigyan ng oras para makapag isip-isip.
Una rito, pinangalanan ng 1Samabayan ang anim nitong potential candidates para sa pagka pangulo at bise presidente.
Kinabibilangan ito nina Vice President Leni Robredo, Sen. Grace Poe, dating Sen. Antonio Trillanes, Cibac Partylist Rep. Eddie Villanueva, Batangas Rep. Vilma Santos-Recto at Human Rights lawyer Chel Diokno.
Ngunit tumanggi na agad si Poe at Santos-Recto sa nominasyon dahil wala umano silang planong tumakbo sa nabanggit na posisyon sa darating na eleksyon.