Hindi palalampasin ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Guillermo Eleazar ang mga pulis na siya mismong lumalabag sa ipinatutupad nilang quarantine protocols.
Ito ang reaksyon ng PNP Chief makaraang mag-viral sa social media ang video ng ilang tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) Station 16 na nakatalaga sa checkpoint na naninita ng mga walang suot na facemask subalit sila mismo ay hindi nakasuot din nito.
Ayon sa PNP Chief, kailangang magpakita ng mabuting halimbawa ang mga pulis sa pagpapatupad ng batas upang mabawi nila ang tiwala ng publiko.
Kasunod nito, umapela rin si Eleazar sa publiko na huwag maging pasaway at sumunod din sa mga panuntunan ng pamahalaan upang hindi masita.
Pinagpapaliwanag na rin ng PNP Chief ang pamunuan ng QCPD Station 16 hinggil sa insidente at pinaalalahaan ang lahat ng Pulis na ituloy lang ang pamamahagi ng facemask at face shield sa mga wala nito.
Hinimok din ni Eleazar ang publiko na ipagbigay alam lang sa kanila sa pamamagitan ng E-Sumbong program ang mga Pulis na lumalabag din sa health protocols.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)