Tila lumalim pa ang umanoy hidwaan ng kampo nina Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Manny Pacquiao sa isyu nang isasabong na presidentiable ng ruling party PDP laban sa 2022 national election.
Kasunod na rin ito nang tila pag endorso ni senador Koko Pimentel kay Pacquiao na pangulo ng kanilang partido bagama’t dapat aniyang ideklara muna ng kapwa senador kung lalaban o hindi sa presidential elections.
Ayon kay Pimentel naniniwala siyang tatakbo sa presidential elections si pacquiao na aniya’y sinusuportahan ng ibat ibang sektor kung saan patunay ang pagkonsulta ng mga ito sa senador hinggil sa kanilang mga concern.
Kasabay nito binalikan ni Pimentel si Energy Secretary Alfonso Cusi, vice chairman ng partido sa aniya’y secret agenda nito at mga kasamahan dahil sa tila pagmamadali sa pagsusulong ng presidentiable at vice presidentiable ng ruling party nang hindi man lamang aniya isinasama si Pacquiao sa pagpa-plano.
Sinasabing nagmamarka ang mga pahayag ni Pimentel dahil ang ama nitong si yumaong dating Senador Aquilino Nene Pimentel ang founder ng ruling party.