Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na gumagana pa rin ang sistema ng hustisya lalo na sa pagiimbestiga ng mga paglabag umano ng Pamahalaan sa karapatang pantao.
Ito ang reaksyon ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar sa pahayag ng Commission on Human Rights o CHR bago simulan ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) hinggil sa reklamong crimes against humanity ng Duterte Administration kaugnay ng war on drugs.
Ayon kay Eleazar, mayruon nang mga ahensya ng Pamahalaan na tumitingin at nag iimbestiga sa mga paglabag sa karapatang pantao sa bansa.
Ito ang dahilan kaya’t kusa nilang ibinigay sa Department of Justice (DOJ) ang mga datos mula sa kanilang Internal Affairs Service para maisailalim sa masusing pagbusisi.
Patunay ito ani Eleazar na bukas sila anumang paglilitis at handa nilang papanagutin ang mga tauhan nilang nagmalabis kung mapatunayan kaya’t wala silang dapat itago.
Iba na aniya ang panahon ngayon kung saan, hindi na nila pinalalampas ang anumang maliit na pagkakamali at agad inaaksyunan upang maagapan o hindi na lumala pa ang sitwasyon. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)