Inihirit na ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda ang pagsasagawa ng special session habang naka-recess ang kamara upang palawigin ang validity ng Republic Act 11519 (Bayanihan 2) hanggang katapusan ng taon.
Tinatayang labingwalong bilyong pisong pondo ng Bayanihan 2 na hindi pa nagagamit ang namemeligrong masayang kapag napaso ang nasabing batas sa Hunyo 30.
Ibinabala ni Salceda, chairman ng house ways and means committee, na sa sandaling mag-expire ay manganganib ding hindi magamit ang pondo para sa pagkuha ng mga contact tracer at human resources for health.
Kapag nagkataon anya ay maraming probinsya ang malalagay sa balag ng alanganin kung abutin ng isang buwan na walang contact tracing o mabawasan ang health capacity lalo’t nakararanas ng COVID-19 surges sa Bicol, Visayas at Mindanao. —sa panulat ni Drew Nacino