Mahigpit ang bilin ni Philippine National Police o PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar sa lahat ng kaniyang mga Police Unit Commander na siguruhing susunod ang kanilang mga tauhan sa ilalabas na unified operational guidelines ng PNP at ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.
Layon nito ani Eleazar na iwasang maulit pa ang malagim na engkuwentro sa pagitan ng PNP at PDEA nuong Pebrero a-4 na ikinasawi ng 4 at ikinasugat ng maraming iba pa.
Ayon sa PNP Chief, isang paraan ito upang lalong maging epektibo at episyente ang mga tagapagpatupad ng batas sa pagkakasa ng operasyon upang labanan ang paglaganap ng iligal na droga sa bansa.
Una nang sinabi ni PDEA Dir/Gen. Wilkins Villanueva na tinatapos na ang unified operational guidelines at kanila na itong mailalabas bago matapos ngayong Hunyo.
Nagbabala pa si Eleazar sa mga Pulis at PDEA agents na tiyak mahaharap sa kalaboso sakaling hindi sila sumunod sa binalangkas na operational guidelines.