Umakyat na sa 72 ang bilang ng mga nasasawi dulot ng COVID 19 sa hanay ng Philippine National Police o PNP.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, nasawi ang 42 anyos na Police Staff Sergeant mula sa Agusan Del Norte dahil sa fatigue at hirap sa paghinga nuong Hunyo 14.
Hunyo 15 nang dalhin sa Municipal Health Center ang naturang Pulis para magpa-check up subalit hindi siya pinagbigyan dahil kinailangan muna niyang isailalim sa RT-PCR o swab test, bumalik ito sa kampo at kinabukasan ay ginawa nito ang tradisyunal na tuob sa loob ng kampo.
Hunyo 17, isinugod sa ospital ang nasabing Pulis at sumailalim sa pagsusuring medikal at kinabukasan pa siya nabigyan ng swab test.
Hunyo 19 nang makumpirmang positibo ang Pulis sa COVID-19 at ganap na alas-2 ng umaga ng Hunyo 20, nasawi siya habang nasa intubation.
Dahil dito, nagpaabot ng pakikiramay si Eleazar sa pamilya ng nasawing Pulis at tiniyak ang tulong at benepisyong ibibigay para rito.
Sa kasalukuyan, may 97 bagong kasong naitala ang PNP Health Service kung kaya’t umabot na sa kabuuang 26,923 ang kaso ng virus sa hanay ng PNP kung saan, 1,840 rito ang aktibo.
Subalit nadagdagan naman ng 123 ang bagong gumaling sa sakit kaya’t sumampa na sa 25,011 ang total recoveries sa COVID 19 sa hanay ng Pulisya.