Bukas ang pamahalaan na baguhin ang kanilang COVID-19 response, basta’t nakabatay ito sa siyensya.
Ito ang naging reaksyon ng Department of Health (DOH) matapos na kuwestiyunin ng ilang senador ang kanilang desisyon hinggil sa pananatili ng obligadong paggamit ng face shield.
Ayon kay Dr. Beverly Ho, director ng DOH Health Promotion and Disease Prevention and Control Bureau, bagama’t inire-respeto nila ang opinyon ng publiko, at ng mga opisyal ng gobyerno ay nais nilang bigyang diin na nakabatay sa siyensya ang kanilang mga desisyon.
Dahil dito, asahan na aniya na magbago ang kanilang ipinatutupad na COVID-19 response, dahil nakabatay ito sa mga pag-aaral.
Matatandaang, kinuwestiyon ng ilang senador, kabilang na nina Senate President Vicente Sotto III; Senators Nancy Binay, Joel Villanueva at Aquilino “Koko” Pimentel III ang nakalilitong polisiya ng pamahalaan hinggil sa paggamit ng face shield.