Tiniyak ng Malakaniyang na daraan sa tamang proseso ang mga inirereklamong opisyal ng religious group na Iglesia ni Cristo sa sandaling imbestigahan ng Department of Justice.
Inihayag ito ng Malakaniyang kasunod ng pasya ng Korte Suprema na nagpapatawag kay INC Executive Minister Eduardo Manalo gayundin sa mga ministrong sinasabing kinukupkop nito.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abegail Valte, hindi pa siya makapagkokomento sa usaping ito hangga’t hindi pa nababasa ang kopya ng resolusyon.
Ang tanging batid lamang ni Valte ay ang pahayag ng isa sa mga dating ministro na si Lowell Menorca kung saan pinasisinungalingan nito ang unang pahayag na sila’y kinupkop bagkus sinabi nitong sila’y ikinulong.
Gayunman, isang source ang nagsabi sa pahayagang The Philippine Star na isang sirkular ang binasa sa pagsamba kamakailan na nagtitiwalag kay Menorca at sa kapatid nitong si Anthony dahil sa lumilikha na umano ang mga ito ng gulo sa Iglesia.
Dahil dito, sinabi pa ng source na nakasaad din sa binasang sirkular na marami pa umano ang mga ministrong ititiwalag ng pamunuan ng INC.
By: Jaymark Dagala