Ikinakasa na ng Metro Manila Council o MMC ang uniform penalty laban sa mga indibiduwal na mahuhuling nagtatapon ng basura sa Pasig River o kahit saang waterways sa National Capital Region.
Ito ayon kay MMC at Metropolitan Manila Development Authority o MMDA Chairman Benhur Abalos, ay upang maiwasan ang pagbara ng mga basura sa mga pumping station ng ahensya lalo ngayong tag-ulan.
Sa kanyang pag-iinspeksyon sa installation ng trash traps sa Estero Tripa de Gallina sa Pasay, nasa dalawang truck anya ng basura ang nakokolekta mula sa naturang lugar kada araw.
Kabuuang 32 truck naman ng basura ang nakokolekta kada araw mula sa 57 pumping stations ng MMDA.
Kagabi, binaha ang ilang lugar sa Metro Manila partikular sa CAMANAVA Area bunsod ng biglang buhos ng malakas na ulan.