Sinuspinde na ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela ang business permit ng Nexgreen factory na nagpasahod ng barya sa kaniyang empleyado.
Ito’y matapos humarap ang may-ari ng pabrika na si Jasper So sa ipinatawag na paghaharap ni Mayor Rex Gatchalian kasama ang nagreklamong si Russel Mañosa.
Sa halip na silbihan ng notice to comply, direktang suspensyon na ang ipinataw ni Gatchalian sa pabrika makaraang aminin ng may-ari ang kaniyang lahat ng pagkukulang at pagkakamali nitong nagawa sa kaniyang empleyado.
Humingi rin ng paumanhin si So kay Mañosa na tinanggap naman nito.
Pumayag din si So na bayaran ang complainant ng halagang P55,614 na naging kwentada sa lahat ng kulang sa ibinabayad na sweldo, overtime, night differential at iba pa.
Binigyan ni Gatchalian si So ng 15 araw para itama ang lahat ng kaniyang ginawang kasalanan kay Mañosa at sa oras na mabigo ay tuluyang makakansela ang business permit ng naturang pabrika.