Muling umapela ng pang-unawa ang Department of Health (DOH) sa publiko sa gitna ng patuloy na paglabas ng mga video kung saan makikita ang hindi maayos o tamang pagbibigay ng bakuna kontra COVID-19.
Hiling ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, mas maging maunawain sa mga healthcare workers at huwag nang paulanan ang mga ito ng batikos.
Mas makabubuti aniya kung magtutulungan ang bawat isa para mas mapagbuti pa ang vaccination protocols ng bansa.
Gayunman tiniyak ni Vergeire na patuloy na binabantayan at iniimbestigahan ang mga ulat kung saan ilang indibidwal pa ang hindi nakakuha ng dose ng bakuna ng maayos.
Magugunitang matapos ang naunang insidente ng naitusok pero hindi naiturok na bakuna sa Makati, lumutang naman ang kaparehas na insidente sa Mandaluyong City.