Hindi nagtatapos sa pag-aresto ng mga nagkakasala sa batas ang trabaho ng mga miyembro ng Philippine National Police.
Ito ang binigyang diin ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar makaraang i-ulat nito na nasa 211 ang mga pulis na kanilang naparusahan dahil sa hindi pagdalo sa pagdinig ng korte.
Ang nabanggit na bilang ani Eleazar ay naitala mula aniya Enero ng nakalipas na taon hanggang nitong Hunyo 3.
83 sa mga sa mga pulis na hindi dumadalo sa court hearings ang tinanggal sa serbisyo, 31 ang demoted, 92 ang sinuspinde habang 5 ang pinagsabihan lamang.
Giit pa ng PNP Chief, tungkulin din ng mga pulis na dumalo sa mga pagdinig ng korte laban sa mga naaarestong suspek mula sa iba’t ibang operasyon lalo na kung sila’y ipinatatawag o kung sila mismo ang arresting officer.