Masusing mino-monitor ng Food and Drug Administration (FDA) ang lot number o batch codes ng mga COVID-19 vaccines sa bansa.
Ayon kay FDA chief, Dr. Eric Domingo, ito’y sa gitna ng mga balitang may ilan ang iligal na nagbebenta ng mga bakuna.
Dagdag pa ni Domingo na ang ginagawang hakbang ng ahensya sa mga lot number o batch codes ay para matukoy kung ang mga ito ba ang nanggaling sa suplay ng pamahalaan.
Pinanganambahan kasi dito na ang mga bakunang napaulat na iligal na binebenta ay mga ipinuslit papasok ng bansa ng walang tamang dokumento o hindi rehistrado.
Mababatid kasi na may datos ang FDA sa mga bakuna kontra COVID-19 na kanilang dinedeploy papunta sa iba’t-ibang lugar sa bansa.
Sa huli, iginiit ni Domingo na nakakaalarma ang illigal na pagbebenta ng bakuna dahil posibleng maapektuhan ang suplay nito maging ang mga indibidwal na dapat maturukan nito.