Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo T Eleazar ang kanilang Medical Reserve Force (MRF) na tumulong sa COVID-19 situation sa Batangas sa harap ng pag aalboroto ng bulkang Taal.
Ayon sa PNP Chief, ipinag utos na rin niya ang mahigpit na pagpapatupad ng checkpoint para pigilan ang mga residente na bumalik sa kanilang tahanan na nasa loob ng Permanent Danger Zone o sa iba pang ipinagbabawal na lugar kasunod ng kasalukuyang estado ng bulkang Taal na ngayon ay nananatili sa Alert Level 3.
Nauna rito, sinabi ni Batangas Governor Hermilando Mandanas na puno na ng COVID-19 patients ang mga ospital sa kanilang lalawigan kabilang na iyong mga may co-morbidities.
Binigyang diin pa ni PGen Eleazar na handa ang mga pulis na ipatupad ang minimum public health safety standards sa mga evacuation facility para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus. Naglatag na ng Police assistance desk para magbigay tulong sa mga evacuee.
Nitong araw nf Linggo, binisita ni PGen Eleazar ang ilang evacuation center sa mga bayan ng Laurel at Agoncillo para alamin ang kundisyon ng mga evacuee gayundin ay tingnan ang seguridad at iba pang pangangailangan ng mga apektado ng pag aalboroto ng bulkang Taal.— ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)