Nakikiisa ang Malakanyang sa sambayanan sa pag-aalay ng dasal para sa mga biktima ng pagbagsak ng Philippine Air Force C-130 Aircraft sa Patikul, Sulu.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ikinalulungkot nila ang trahedyang sinapit ng mga lulan ng nabanggit na eroplano.
Naka-antabay anya ang palasyo sa mga update ng Armed Forces of the Philippines at tinitiyak naman nila ang tulong sa mga nasawi maging sa mga nasugatan.
Dakong alas onse y medya kahapon ng umaga nang bumagsak at sumabog sa Barangay Bangkal ang military aircraft na may lulan na 96 na sundalo.
Nasa 45 na ang narekober na bangkay kabilang ang tatlong sibilyan na nabagsakan ng mga debris ng eroplano habang apatnapu’t siyam ang nasugatan. –sa panulat ni Drew Nacino