Humingi na ng paumanhin si Vaccine Czar at Secretary Carlito Galvez sa pagkabalam ng pagdating ng panibagong suplay ng bakuna kontra COVID-19 lalo sa ilang lugar sa Metro Manila.
Aminado si Galvez na tali ang kanilang kamay sa pagka- delay ng vaccine replenishment kaya’t nananawagan sila lalo sa mga local government unit na habaan pa ang pasensya.
Pero dito po sa item number 3 kailangan nating paigtingin ang pagpaparami ng numero ng second dose…Humihingi po kami ng pasensya na hindi po natin mapigilan ang delay ng deliveries na nakapag-slow down sa ating roll-out. Normally po nadedelay yung delivery natin sa first and last week of the month,″pahayag ni Galvez.
Sa kabila nito, inihayag ng kalihim na asahan na ngayong hulyo ang pagdating ng 16 na milyong doses ng bakuna mula sa iba’t ibang manufacturer.
Kabilang anya sa mga darating ang single shot vaccine ng Johnson and Johnson, Moderna at Pfizer mula U.S.
Mr. President ito po ang mga parating na mga bakuna at ang magandang balita po na humigit kumulang sa 16 milyon ang vaccine na darating ngayong Hulyo mula sa Sputnik, Astrazeneca, yung Japanese donation po, yung COVAC, yung Moderna, yung private sector procurement na Astrazeneca, ″wika ni Vaccine Czar, Secretary Carlito Galvez.—sa panulat ni Drew Nacino