Pormal nang sinampahan ng kasong homicide ng binuong Fact-Finding Investigation Task Group ng Police Regional Office 4-A ang 10 tauhan ng intelligence branch ng Laguna Provincial PNP.
Ito’y may kaugnayan sa pagkamatay ng 16 anyos na binatilyong si Jhondie Helis sa ikinasang anti-illegal drugs operation ng pulisya sa Biñan City noong Hunyo 15.
Ayon kay Philippine National Police o PNPChief P/Gen. Guillermo Eleazar, nakabatay ang reklamo sa isinumiteng complaint – affidavit ng ina ni Helis na si Christina laban sa mga tauhan ng intellegence branch ng Laguna police kabilang na ang pinuno nito na si P/Capt. Fernando Credo.
Binigyang diin ng PNP Chief na patunay lang ng isinampang reklamo na hindi nila kinukunsinte o pinagtatakpan ang kanilang mga tauhang nagkakamali sa pagganap ng mga ito sa kanilang tungkulin.
Hinimok naman ni Eleazar ang pamilya Helis at ang publiko na hintayin na lamang ang magiging pasya ng piskaliya sa isinampang kaso laban sa mga pulis.