Nanawagan si Chief Justice Alexander Gesmundo sa mga miyembro ng legal community na tumulong upang maibalik ang kumpiyansa ng publiko sa judicial system.
Magagawa aniya ito sa pamamagitan ng pag-angat ng kamalayan at pag-unawa sa legal na proseso gamit ang social media at iba pang platforms.
Sa kanyang talumpati sa harap ng mga bagong halal na opisyal ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), binigyang diin ni Gesmundo na tungkulin ng mga abogado bilang taga-pagtaguyod ng batas o judicial system na suportahan ang mga programa ng korte.
Sinabi pa ng punong mahistrado na ma-sosolusyunan ang mga problemang nakakaapekto sa hudikatura nang hindi nakokompromiso ang karapatan ng sinumang indibidwal, gayundin ang mabilis na paggulong ng hustisya. —mula sa ulat ni Patrol 13 Gilbert Perdez sa panulat ni Hyacinth Ludivico