Walang magiging paglabag sa batas si Pangulong Rodrigo Duterte sakaling tumakbo ito sa pagka-bise presidente sa 2022 National Elections.
Ito ang inihayag ng beteranong election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal sa gitna ng maka-ilang ulit na deklarasyon ni Pangulong Duterte na seryoso ang kanyang planong sumabak sa vice presidential race.
Gayunman, maituturing anya itong senyales ng kahinaan ng ruling party na PDP-Laban dahil lalabas na walang nahubog na posibleng kandidato sa pagka-bise presidente ang partido maliban kay Duterte.
Taliwas naman ito sa paniwala ni dating COMELEC Chairman Christian Monsod, isa sa mga bumalangkas sa 1987 constitution.
Iginiit ni Monsod na nakasaad sa Article 7, Section 4 ng 1987 Constitution na ipinagbabawal na sa isang pangulo ang re-election at maaaring kuwestyunin sa korte suprema ang plano ni Pangulong Duterte. —sa panulat ni Drew Nacino