Ipinagmalaki ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagkakaaresto nila sa dalawang miyembro ng Abu Sayyaf Group sa Taguig City.
Kinilala ni NCRPO Director P/MGen. Vicente Danao Jr ang mga naaresto na sina Taupik Galbun na kilala sa alyas na Pa Wahid at kapatid nitong si Saik Galbun alyas Pa Tanda.
Ayon kay Danao, nuong araw ng Sabado (Hulyo a-10) pa nila nahuli ang dalawa sa Block 124, Lot 9, Phase 8, Sitio Imelda, Upper Bicutan, Taguig City ang dalawa sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Pasig City RTC dahil sa mga kasong Kidnapping at Serious Illegal Detention.
Kapwa sangkot ang dalawa sa pagdukot sa anim na mga manggagawa ng Jehova’s Witness noong Agosto 2002 sa Patikl, Sulu kung saan, 2 sa mga biktima ang pinugutan habang ang 4 ay nailigtas ng Militar matapos ang ilang linggong operasyon.
Sila rin ang nasa likod ng pagdukot sa 3 Guro ng Landang Gua Elementary School sa Sacol Island, Zamboanga City noong 2009 habang papauwi matapos ang kanilang misyon.
Ayon kay Danao, kasalukuyang nagtatago sa Metro Manila ang dalawa dahil sa kanilang mga ginawa subalit may posibilidad pang maghasik ng karahasan ang mga ito na kanilang napigilan.
Hawak na ng District Special Operations Unit ng Southern Police District (SPD) ang dalawa at nakatakdang iharap sa Korte na naglabas ng Warrant laban sa kanila. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)