Pinarerepaso ni Senate Committee on Education Chairman Sen. Sherwin Gatchalian sa Department of Education ang kanilang distance learning program.
Ito’y makaraang lumabas sa pinakabagong survey ng Pulse Asia na nasa 46% o wala pa sa kalahati ng mga magulang ang nagsabing natuto ang kanilang mga anak dahil sa naturang programa.
Sa naturang survey, lumabas din na nasa 30% rito sa mga magulang ang hindi matukoy kung natuto nga ang kanilang mga anak habang 25% naman ang nagsabing hindi natuto ang kanilang mga anak sa distance learning.
Lumabas din sa survey ang mga usaping kinahaharap ng mga magulang, guardian at mismong mag-aaral tulad ng pagsagot sa mga module, mahina o putol-putol na internet connection, hirap sa pagtutok o katamaran sa pakikinig at kakulangan ng mga kagamitan para sa distance learning.
Dahil dito, inihain ni Gatchalian ang senate resolution #739 para suriin ang kahandaan ng mga paaralang maghatid ng dekalidad na edukasyon para sa school year 2021-2022 maging ito man ay face-to-face classes, distance learning o iba pang mga pamamaraan.—ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)