Pinaboran ng Court of Appeals (CA) ang naging hatol ng lower court laban sa isang illegal recruiter na nakakulimbat ng halos P100,000 mula sa dalawang biktima nito noong 2015.
Sa desisyon ng Apellate Court, pinatawan nito ng hanggang 12 taong pagkakabilanggo ang akusadong si Rialynne Apostol Idos dahil sa kasong Simple Illegal Recruitment.
Maliban sa pinasasauling pera, pinagmumulta rin si Idos ng P200,000 na may 6% interes kada taon hanggang sa maisapinal ang desisyon.
Batay sa datos, pinangakuan ni Idos ang dalawang biktima ng trabaho sa Ireland bilang hotel staff na may suweldong P75,000 kapalit ng pagbabayad naman ng tig P27,000 at karagdagang P3,800 para sa medical.
Ngunit matapos makakuha ng pera ay hindi na nagpakita sa kanila si Idos dahilan upang magdemanda ang mga ito.
Samantala, ibinasura naman ng kataas-taasang hukuman ang alibi ni Idos na ninakaw lamang ang kanyang identity. —ulat mula kay Gilbert Perdez (Patrol 13)