Ibinabala ng World Health Organization (WHO) emergency committee na “malaki ang posibilidad” ng pagkalat sa buong mundo ng mga bagong COVID-19 variants of concern dahilan para tumagal ang pandemya.
Ayon kay Committee Chairman Didier Houssin, naka-a-alarma na ang “trends” partikular ang Delta variant sa India, Indonesia, Malaysia, Thailand at lambda variant sa South America.
Mahigit isa’t kalahating taon simula nang ideklara ang isang international public health emergency, asahan anyang hindi pa matatapos ang pandemya hangga’t may mga bagong variant.
Sa kasalukuyan ay dominado ng alpha, beta, gamma lalo ng mas nakahahawang delta variant, ang sitwasyon sa buong mundo habang tinututukan na rin ang lambda variant partikular sa Peru.
Inabisuhan din ng WHO ang lahat na maghanda sa posibleng pagsulpot ng bago at mas mapanganib na variants of concern na maaaring higit na mahirap kalabanin. —sa panulat ni Drew Nacino