Pormal nang tinanggap ng University of the Philippines ang pagbibitiw ni Bo Perasol bilang head coach ng Fighting Maroons matapos ang 5 taon.
Mababatid na inanunsyo ni Perasol ang kanyang pagbibitiw noong Miyerkules ng gabi.
Sa isang statement, sinabi ni UP Men’s Basketball team manager Agaton Uvero na hiniling nila na manatili si Perasol sa kanilang basketball program upang gabayan kung sino man ang papalit sa kanya.
Ilan sa inirekomenda ni Perasol na pumalit sa kanyang puwesto ay sina National University-Nazareth School head coach Goldwin Monteverde at Gilas Women head coach Patrick Aquino.
Nakapagtala si Perasol ng 30-32 record mula season 79 hanggang 82 at noong UAAP Finals season 81 noong 2018 ay naihatid pa niya ang UP sa finals makalipas ang mahigit tatlong dekada. —sa panulat ni Hyacinth Ludivico