Nasabat ng mga operatiba ng pulisya ang bloke-blokeng marijuana na nagkakahalaga ng nasa halos P8 milyong sa lalawigan ng Kalinga.
Ayon kay Philippine National Police o PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, ito’y kasunod ng ipinarating na tip o impormasyon mula sa isang concerned citizen sa lugar.
Batay sa ipinarating na impormasyon, nasa tatlong sako umano ng marijuana ang nakatago sa isang kanal sa Sitio Anonang, Barangay Rd., sa Liwan West.
Nagpositibo sa isinagawang beripikasyon ng mga pulis ang impormasyon kung saan, tumambad sa kanila ang 77 bloke ng magkahalong pinatuyo at sariwang dahon ng marijuana kasama ang mga tangkay na may timbang na 65.3 kilo.
Dahil diyan, ipinag-utos ng PNP Chief partikular na sa mga tauhan ng Cordillera Police na maglatag ng checkpoints sa buong rehiyon lalo’t nabatid na nakatakdang ibiyahe ang mga nasabat na marijuana patungong Cagayan.
Kasalukuyan nang inaalam ng mga pulis kung saan galing ang mga nasabat na kontrabando at kung kanino naman ito dadalhin.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)