Napatay ng mga sundalo ang isa umanong miyembro ng grupong Dawlah Islamiya habang dalawang iba pa ang nahuli sa bayan ng Shariff Saydona Mustapha sa Maguindanao.
Pahayag ni Lt. Col. Benjamin Cadiente, Commanding Officer ng 33rd infantry battalion ng Philippine Army, isang sundalo rin ang nasugatan sa bakbakan.
Aniya, nagtungo ang tropa ng pamahalaan sa Barangay Nabundas makaraang makatanggap ng ulat na may mga terorista sa lugar kung saan naganap ang engkuwentro.
Nasabat naman mula sa mga suspek ang isang M114 rifle at dalawang pampasabog o improvised explosive device.
Samantala, nilinaw naman ng Joint Task Force Central na handa at bukas sila para sa mga rebeldeng nais magbagong-buhay o magbalik-loob sa pamahaaan.