Hindi titigil ang Philippine National Police o PNP sa pananawagan nito sa publiko na laging sumunod sa mga itinatakdang panuntunan ng Pamahalaan para maiwasan ang COVID-19.
Ito ang inihayag ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar sa harap na rin ng panibagong banta ng Delta variant ng COVID-19 na ayon sa mga eksperto ay mas mabilis na kumalat.
Ayon sa PNP Chief, naging saksi ang mga Pilipino sa sinapit ng India kung saan unang natuklasan ang Delta variant dahil sa dami ng mga nasawi kung saan ay hayagang sinunog pa ang mga labi nito sa isang bakanteng lote.
Una rito, ibinabala ni Presidential Spokesman Harry Roque na posibleng magpatupad muli ng lockdown si Pangulong Rodrigo Duterte sakaling kailnganin kung hindi mapipigilan ang pagkalat ng virus.
Kaya naman sinabi ni Eleazar na handa sila sa anumang magiging pasya ng Pangulo na aniya’y nakadepende naman sa sitwasyon at pangangailangan.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)