Hindi na maaaring galawin pa ng National Democratic Front o NDF ang lahat ng kailang ari-arian at pondong naka-impok sa mga bangko.
Ito’y makaraang atasan ng Anti-Money Laundering Council o AMLC ang lahat ng institusyon at ahensya ng gobyerno na may kinalaman sa pondo ng NDF na i-freeze ang lahat ng asset nito sa lalong madaling panahon.
Kasama sa freeze order ng AMLC ang mga ari-arian at pondo na nakapangalan sa ibang tao na gumaganap bilang kinatawan ng NDF.
Nakasaad din sa kautusan na pinagsusumite ng AMLC ang lahat ng mga institusyon ng listahan ng mga kahina-hinalang transaksyon ng NDF sa loob ng 5 araw.
Nag-ugat ang paglalabas ng kautusan nang ideklara ng Anti-Terrorism Council ang NDF bilang terroristang grupo, kahanay ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army o CPP-NPA.