Magbabalik kalsadang muli ang iba’t ibang grupo para sa tradisyunal na kilos protesta kasabay ng huling State Of The Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 26.
Kung dati ay sa loob ng University of the Philippines (UP) Diliman Campus isinagawa ang kanilang programa, plano ng mga militante na bumalik sa tradisyunal nilang lugar sa harap ng St. Peter’s Church sa Commonwealth Ave.
Ayon kay bagong alyansang Makabayan o Bayan Sec/Gen. Renato Reyes, mas maiksi ang inihanda nilang programa dahil sa kasalukuyang pandemiya ng COVID-19 pero tiniyak niyang mas magiging malaman at maalab ito dahil sa dami ng mga kinahaharap na usaping pambansa.
Tiniyak din ni Reyes na susunod sila sa itinakdang mga panuntunan kontra COVID-19 na kanilang napatunayan sa nakalipas na SONA ni Pangulong Duterte nuong isang taon.
Para naman kay dating Bayan Muna Rep. Teddy Casiño, mas mahalaga pa ring marinig ng sambayanan ang hinaing ng bawat maralitang Pilipino nang hindi nalalagay sa balag ng alanganin ang kalusugan ng mas nakararami.
Sa panig naman ni dating Social Welfare Sec. Dinky Soliman ng Tindig Pilipinas, limang taon na ang nakalipas subalit wala pa ring nangyari bagkus naharap sa krisis ang bansa dahil sa maling pamamahala.