Isinara ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang ilang kalsada sa Luzon.
Ito’y dahil sa walang tigil ng pagbuhos ng ulan dulot ng habagat na pinalaks ng Bagyong Fabian.
Simula kagabi, hindi na pinapadaanan ang mga sasakyan sa lahat ng lane ng Baguio-Bontoc road at Busa Bridge sa Sabangan, Mt. Province; Abra-Kalinga Road sa Gacab, Malibcong, Abra; Mindoro West Coastal Road, Pag-Asa Section sa Sablayan, Occidental Mindoro at Manila-Cavite Road.
Base sa inilabas na ulat ng DPWH, hindi na rin madadaanan ang junction Layac Balanga, Mariveles port road zigzag section sa Bataan dahil sa nag-collapse na wheel guard.
Sinarado na rin sa light vehicles ang mga kalsada sa region 3 dahil sa pagbaha, kabilang ang apalit macabebe masantol road at intermittent sections sa Pampanga; IGAA Plaridel via Bulacan at Malolos at Manila North Road, Saluysoy section sa Bulacan.
Gayundin ang Lemery-Taal diversion road sa Batangas at Cavite-Batangas road.
Dahil dito, mahigit 300 DPWH personnel ang kasalukuyang naka-deploy kabilang ang 51 equipment at service vehicles para sa monitoring at restore access sa mga affected section.