Nanawagan ang pamunuan ng Department of Health (DOH) sa publiko na hangga’t maaari ay huwag nang pisikal na dumalo sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa abiso ng DOH, imbes na personal, mas magiging ligtas ang pakikiisa sa pamamagitan ng social media at ipang mga online platforms.
Pagdidiin ng ahensya, bagamat kinikilala nito ang karapatan ng bawat isa na magpahayag, kailangan pa rin anilang isa-alang-alang ang kaligtasan kontra COVID-19.
Kasunod nito, naglabas din ng panuntunan ang DOH para sa mga indibidwal na dadalo o makikiisa ng pisikal sa sona na bantayan ang kanilang kalusugan.
Kabilang sa mga sintomas na pinababantayan ng DOH ay ang pagkakaroon ng lagnat o pananakit ng ulo, pagkawala ng panlasa at pang-amoy, maging ang iba pang kahalintulad na sintomas ng virus.
Oras namang makaranas ng mga nabanggit na sintomas ay mangyaring sumailalim sa quarantine at makipag-ugnayan sa kanilang barangay health emergency response teams o BHERT o sa One Covid Referral Center.