Walang dapat ikabahala ang mga residente ng San Juan matapos maitala ng Department of Health (DOH) ang Delta variant ng COVID-19 sa kanilang lugar.
Ayon iyan kay San Juan City Mayor Francis Zamora matapos niyang kumpirmahin na napasok na nga sila ng bagong variant ng virus na nabatid na mas mabilis na makahawa.
Sinabi ng Alkalde na kahapon lang sila naabisuhan ng DOH hinggil sa dalawang naitalang kaso ng Delta variant mula sa iisang mag-anak sa hindi tinukoy na Barangay.
Dahil dito, nakikipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan sa pinagtatrabahuan ng ng nagpositibo sa Delta variant bagama’t gumaling na ito bago pa man malamang sila’y positibo sa naturang variant.
Patuloy din aniya ang ginagawa nilang contact tracing kaya’t umapela si Zamora sa kaniyang nasasakupan na makipagtulungan at huwag ipagwalang bahala ang mga hakbang ng Pamahalaan para matunton ang pinagmulan ng virus. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)