Nananatili sa first alarm ang tubig sa Marikina River ngayong Miyerkules.
Itinaas ito sa first alarm pasado 11 kagabi matapos umabot sa 15 meters ang tubig.
Umakyat pa ito ng 15.3 meters bandang 1 ng madaling araw pero bumaba rin ito sa 15.2 meters pasado 2 ng madaling araw.
Ngunit dahil patuloy ang malakas na pagbuhos ng ulan ay umakyat ito ngayon sa 15.5 meters.
Sa oras na umabot sa 16 meters ang lebel ng tubig ay tutunog ito bilang hudyat na nasa ikalawang alarma na ang Marikina River.
Ibig sabihin nito ay inaalarma na ang mga residente para sa preemptive evacuation sa mga mabababang lugar ng Barangay Malanday at Tumana.