Iginiit ng Department of Trade and Industry (DTI) na hindi na talaga kakayanin ng gobyerno ang isa pang lockdown kung saan karamihan sa mga negosyo ay nakasara pansamantala.
Ito ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez ay maliban na lamang kung sadyang bumulusok o nagkaroon ng matinding pagsirit sa kaso ng COVID-19 sa gitna na rin ng paglutang ng Delta variant ng Coronavirus.
Ipinabatid ni Lopez na 16% ng mga negosyo ang tiyak na isasara mula sa kasalukuyang 8-10%, kapag naulit ang ECQ status sa Metro Manila.
Inihayag pa ni Lopez na papalo sa 1.8-M workers ang tiyak na maaapektuhan kapag ipinatupad ang hard lockdown.
Nasa P30-B aniya ang nawalang kita sa ipinatupad na ECQ sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan nitong huling bahagi ng Marso hanggang Abril matapos magsara ang micro, small and medium enterprises.