Kumpiyansa si Committee on Basic Education Chairman Senator Win Gatchalian na pagmumulan ang National Academy of Sports o NAS ng mas marami pang atletang susunod sa yapak ni Hidilyn Diaz.
Bagama’t aminado si Gatchalian na kinakailangan ng mga atleta sa bansa ng higit pang suporta, mahalaga at malaki anya ang papel ng nas upang magkaroon ng institutionalized government support para sa susunod na henerasyon ng mga atletang Pilipino.
Naitatag ang National Academy of Sports matapos maisabatas ang Republic Act No. 11470 noong nakaraang taon.
Sa ilalim ng naturang batas, magbibigay ang nas ng dekalidad na edukasyon sa high school, kung saan nakapaloob ang curriculum para sa sports.
Full scholarships ang ibibigay sa mga natural-born Filipino citizens na may natatanging potensyal para sa sports.
Sa pamamagitan ng sports academy na ito, pagkakalooban ang mga student-athlete scholars ng kinakailangan suporta sa mga unang bahagi palang ng kanilang pakikipagsapalaran upang makapagbigay ng karangalan sa ating bansa at makagawa ng kasaysayan tulad ni Hidilyn Diaz.—sa panulat ni Hya Ludivico