Inirekomenda ng pamunuan ng National Task Force against COVID-19 ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga residente ng Metro Manila na nais na maturukan nito kahit pa hindi kabilang sa priority list ng pamahalaan.
Ito’y ayon sa NTF matapos na maaprubahan ang hiling ng mga Metro Manila mayors na makatanggap ng 4 milyong doses ng bakuna kontra COVID-19.
Sinabi ni Testing Czar Vince Dizon na sapat ang naturang suplay para sa rehiyon, kaya’t uubusin ang naturang suplay para sa mga gustong maturukan ng bakuna habang nakasailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang rehiyon.
Mababatid na sa Metro Manila, tinatayang 30% pa lang ng populasyon ang fully vaccinated o nakatanggap na ng dalawang doses ng COVID-19 vaccine.
Dahil dito, binigyang diin ni Dizon ang kalahagahan ng pagpapataas pa ng bilang ng mga vaccination sites sa bansa.
Kabilang na aniya’y innovation na katulad ng binuksang drive thru vaccination sa Quirino Grandstand sa Maynila na layong maturukan ang 400 katao kada araw.