Daan-daang motorista at indibiduwal ang nasita ng mga tauhan ng Joint Task Force COVID-19 Shield sa mga inilatag na Quarantine Control Points (QCPs) sa NCR Plus Bubble.
Ito ang inihayag ni JTF COVID-19 Shield Commander at Deputy Chief PNP for Operations P/Ltg. Israel Ephraim Dickson kasunod ng kaniyang pag-iikot sa mga Quarantine at Border Control Points sa mga lugar ng Metro Manila, Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite.
Ayon kay Dickson, sa mga unang araw ng pagpapatupad ng mahigpit na checkpoints sa mga papasok at palabas ng Metro Manila, wala naman silang naitalang mga di magandang pangyayari at sumusunod naman ang lahat.
Bagama’t nagkaroon ng bahagyang kalituhan sa mga motorista pero dahil sa paki-usap ng mga pulis, agad ding nagbalikan ang mga non APOR sa kani-kanilang destinasyon matapos harangin papasok ng Metro Manila.
Una nang ibinaba ni DILG Sec. Eduardo Año ang direktiba para sa mahigpit na pagpapatupad ng border at quarantine control points bilang paghahanda sa pagsasailalim sa Enhanced Community Quarantine o ECQ ang Metro Manila mula Agosto 6 hanggang 20.