Muling ipatutupad sa National Capital Region ang mas mahabang curfew hours sa pagsisimula ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Agosto 6.
Ayon kay MMDA chairman Benhur Abalos na magsisimula ang curfew ng alas-8 ng gabi at magtatagal ng hanggang alas-4 ng madaling araw. Ang naturang hakbang ay layong bawasan ang mobility o paggalaw ng tao bilang dagdag na pag-iingat sa banta ng delta variant ng COVID-19.
Kasabay nito, ipatutupad din ang liquor ban sa ilang mga lungsod na nasa ilalim ng NCR. Kabilang dito ang lungsod ng Valenzuela, Mandaluyong, Parañaque, Pasay, Navotas, San Juan, maging ang Quezon City At Pateros.
Kasunod nito, giniit ni abalos na nasa mga Local Chief Executives ang desisyon kung kanilang paiiralin ang liquor ban sa kanilang mga lungsod. Sa huli, ipinaalala ni abalos sa lahat ng mga Metro Manila mayor na mahigpit na ipatupad ang pinahigpit na alituntunin para masigurong maiiwasan ang hawaan ng COVID-19 at mga variants nito.