Obligado na ngayong gamitin ng mga tauhan ng PNP ang mga Body-Worn Cameras (BWCS) o Alternative Recording Devices (ARDS).
Ayon kay PNP Chief, Police General Guillermo Lorenzo Eleazar, nagpalabas na ng memorandum ang Directorate for Operations noong Lunes, Agosto 2 na nagsasaad ng general protocols sa paggamit ng mga BWCS o ARDS sa pagsisilbi ng search warrant gayundin ng warrant of arrests.
Ang Memorandum ay ipinalabas para sa mga Police Regional Offices Directors at National Operational Support Unit Directors para sa mahigpit na pagpapatupad.
Ipinunto pa ng PNP Chief, partikular na nakasaad sa memorandum ang general protocols sa paggamit ng BWCS o ARD kung saan, hindi ito maaaring patayin anumang oras habang isinisilbi ang search at arrest warrant.
Sa kaso naman ng warrantless arrest, gagamitin pa rin ang mga BWC o ARD basta’t nasusunod ang panuntunan. —ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)