Posibleng maipalabas na ng gobyerno ang Digitized COVID-19 Vaccine Certificate nito sa katapusan ng buwang ito o unang bahagi ng Setyembre.
Ipinabatid ito ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje sa gitna na rin nang pagsasanib puwersa ng DICT at Bureau of Quarantine para makagawa ng digitized vaccination card.
Sinabi ni Cabotaje na magbibigay sila ng update sa estado ng certificate sa susunod na dalawa hanggang tatlong linggo.
Gayunman, hindi pa aniya napagpapasyahan ng gobyerno kung gagawing travel requirement ang vaccine certificate.
Nasa mahigit 11-M Pilipino na ang nakatanggap ng unang dose ng COVID-19 vaccine hanggang nitong nakalipas na Agosto 1.