Nire-classify na ng Department Of Health (DOH) ang Metro Manila bilang “high risk” COVID-19 area kasama ang lima pang rehiyon sa gitna ng presensya ng mas nakahahawang delta variant.
Ini-anunsyo ito ng DOH mahigit isang buwan matapos i-downgrade ang NCR sa low-risk status.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, umaabot na sa 65% ang average daily infection rate sa NCR simula Hulyo 27 hanggang Agosto 2.
Ikinukunsidera na ring high-risk ang Central Visayas, Ilocos Region, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region at Northern Mindanao.
Nagpakita anya ang mga nasabing lugar ng dalawang linggong moderate growth rate at high Average Daily Attack Rate o ADAR.
Sa Metro Manila, nananatiling mataas ang ADAR sa 8.96; Central Visayas,8.79; Ilocos Region, 8.47; Cagayan valley,7.50; CAR, 7.48 at Northern Mindanao, 7.47.—sa panulat ni Drew Nacino