Kasabay ng pagbabalik ng NCR sa Enhanced Community Quarantine, kinumpirma ng Department of Health na na-detect na sa lahat ng lungsod at bayan sa Metro Manila ang mas nakahahawang COVID-19 Delta variant.
Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, 83 sa 116 na bagong kaso ng Delta variant cases ay nagmula sa NCR.
Kabilang sa mga may pinaka-maraming naitala ang mga lungsod ng Las Pinas, 23; Pasig, 21; Maynila, 16 at Malabon, 12 cases.
Kasalukuyan anyang nasa critical risk classification ang Malabon at Pateros na may dalawang linggong high-risk growth rate at average daily attack rate o ADAR.
Nasa high-risk adar ang lahat lugar sa Metro Manila maliban sa Caloocan City at Marikina City.
Samantala, tinaya naman sa 33 hanggang 68% ang healthcare utilization sa mga lungsod sa NCR.