Tuluy tuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng PNP ng health and safety protocols sa border control points sa Metro Manila.
Sa gitna na rin ito ng ikalawang araw nang pagpapatupad muli ng ECQ sa Metro Manila.
Sa ginagawang pagbabantay ng mga otoridad, marami nang pinabalik o hindi pinayagang mga non-apor na makatawid ng boundary.
Sa Batasan San Mateo Road na boundary ng Quezon City at Rizal Province, ilang motorista ang nadiskubreng non-apor kayat pinag u-turn kaagad ang mga ito para bumalik kung saan sila nanggaling.
Ayon pa sa PNP, pinabalik din ang ilang nanggaling sa San Mateo, Rizal na nagtangkang makalusot sa checkpoint sa pagsasabing bibili lamang sa isang fast food outlet sa Quezon City.
Samantala, dalawang pasahero ng isang jeep na may biyaheng pa Muntinlupa mula San Pedro, Laguna ang pinababa ng mga pulis dahil sa walang suot na face shield.
Mahigpit din ang checkpoint sa boundary ng Muntinlupa at San Pedro, Laguna na ang pagitan lamang ay isang tulay kung saan dalawang checkpoints ang itinalaga ng PNP.