Naglabas na ng joint guidelines ang Department of the Interior and Local Government (DILG), kasama ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of National Defense (DND) ukol sa pamamahagi ng ayuda para sa mga apektado ng ECQ o Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, nakasaad sa Joint Memorandum Circular No. 3 na maaari nang simulan ng mga local government units (LGUs) ang pamimigay ng financial assistance sa kalagitnaan ng susunod na linggo pagkatapos ng kanilang preparasyon.
Aabutin ng P1,000 ang ayuda kada indibidwal o hanggang P4,000 kada low-income family na apektado ng ECQ na umarangkada nitong Agosto 6 hanggang 20, alinsunod na rin sa resolusyon ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Binibigyan naman ng hanggang labinlimang araw ang mga LGUs para distribusyon ng ayuda ngunit maaaring ma-extend kung ihihirit ng ilang lokal na pamahalaan.