Makikinabang sa ayuda ng Taguig City Government ang lahat ng mga residente nito lalo na ngayong umiiral ang ECQ hanggang sa Agosto 20.
Kasunod na rin ito nang pagtiyak ng Taguig City Government sa P250,000 na mapapasakamay ng kada barangay para ipambili ng dagdag na food packs para sa kanilang mga residente bukod pa sa regular na city aid.
Ang barangay assistance ay hiwalay din sa halos 300,000 relief packs na direkta namang ipinamamahagi sa mga mamamayan ng syudad.
Noong isang linggo ay natanggap na ng mahigit 200,000 pamilya ng Taguig City ang food pack na naglalaman ng bigas, de lata, kape, energy drinks at instant noodles.
Ayon kay Taguig City Mayor Lino Cayetano, ang city aid at food packs ay bukod pa sa cash assistance mula naman sa national government at patuloy aniya ang paghahanap nila ng mga paraan para mas protektahan ang bawat taguienio partikular ang paggulong ng vaccination program kontra COVID-19 ng lungsod.