Aabot sa 80 indibiduwal ang kinasuhan ng Philippine National Police o PNP dahil sa iba’t ibang krimen gamit ang cyberspace sa gitna na rin ng pandemiya ng COVID-19.
Ito ang inihayag ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar makaraang i-ulat nito ang 121 reklamo na inihain ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG at Anti-Cybercrime Group o ACG sa iba’t ibang tanggapan ng piskalya sa buong bansa.
Kabilang sa mga reklamong kanilang isinampa ay ang pagpapakalat ng fake news, online scam gayundin ang mga hindi makatuwiran at hindi awtorisadong pagbebenta ng medical supplies tulad ng mga galon ng disinfectant, vitamin C capsules, forehead thermometers; face masks at mga bote ng isopropyl alcohol.
Batay sa datos mula Marso hanggang Agosto ng taong ito, nasa 87 ang naisampang reklamo ng CIDG at ng ACG laban sa 52 indibiduwal na may kinalaman sa fake news; 3 reklamo laban sa 2 sangkot sa online scam, 31 reklamo naman ang inihain laban sa 26 na sangkot sa online profiteering, overpricing, hoarding at iyong mga hindi awtorisadong pagbebenta ng medical supplies.
Ayon sa PNP Chief, hindi dapat pagsamantalahan ninuman ang COVID-19 pandemic kaya’t hindi nila tatantanan ang pagtugis sa mga ito kahit pa abala sila sa pagpapatupad ng minimum health at safety standards para maka-iwas sa virus.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)