Nagsampa ng kaso ang pamahalaang lungsod ng Quezon laban sa dalawang indibidwal na tumanggap ng ‘booster shots’ ng COVID-19 vaccine kahit pa ang mga ito ay full vaccinated na.
Sa isang pahayag, sinabi ni City Attorney Orlando Paolo Casimiro na ang kasong isinampa sa dalawa ay ang paglabag sa City Ordinance SP-3032 series of 2021 o an ordinance prohibiting COVID-19 vaccine fraud.
Dagdag pa ni Casimiro na ang naturang pagsasampa ng kaso sa dalawang lumabag sa City Ordinance na patunay lang na mahigpit nilang ipinatutupad ang mga pagbabawal laban sa mga mapagsamantala ngayong may pandemya.
Lumalabas sa imbestigasyon na ang isang suspek ay fully vaccinated na ng Sinovac vaccine sa Mandaluyong City noong Mayo 10 at nitong linggo ay tumanggap din ng Moderna vaccine sa Quezon City.
Habang ang isa naman ay fully vaccinated na ng Sinovac vaccine sa Quezon City at tumanggap din ng ikatlong shot ng bakunang Pfizer sa kaparehong lungsod.
Sa huli, kinundina ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang aniya’y makasariling gawain ng dalawa.