Nadagdagan pa ang mga lugar sa Muntinlupa City na isinailalim sa hard lockdown o extreme localized community quarantine dahil sa COVID-19.
Ipinabatid ni Tez Navarro ng Muntinlupa Public Information Office na dalawa pang lugar ang inilagay nila sa hard lockdown, kaya’t limang lugar na sa lungsod ang itinuturing na areas of concern habang umiiral ang ECQ sa Metro Manila.
Kahapon nagsimula ang dalawang linggong hard lockdown o hanggang Agosto 27 sa purok 3, Molera Compound sa barangay Sucat at purok 7, Beatriz compound, De Mesa L & B street sa barangay Alabang.
Sinabi ni City Health Office chief Dr. Juancho Bunyi na mayroong clustering of cases at mataas na COVID-19 attack rate ang mga lugar na naka-hard lockdown sa Muntinlupa na bibigyan ng food packs at kung saan din magsasagawa ng mass testing at magbabahay-bahay para mabakunahan ang mga residente.
Una nang inilagay sa hard lockdown ang block 8, Hills View at Mangga St., Lakeview homes sa barangay Putatan noong Agosto 12 at Agosto 10 ang Chico St., Laguerta sa barangay Tunasan.