Sugatan ang apat katao matapos araruhin ng isang dump truck ang ilang sasakyan at isang tindahan sa barangay San Jose, Antipolo City kaninang umaga.
Kuwento ng barangay tanod na rumesponde sa aksidente, nawalan ng preno ang truck sa overlooking at tuloy-tuloy na ito pababa sa pa-zigzag na daan at sumalpok sa isang tricycle at iba pang sasakyan bago dumiretso sa sari-sari store.
Mabilis namang nakuha ang mga sugatan sa sasakyan at ligtas ang driver at pahinante ng truck.
Kabilang sa mga nasugatan at nasa kritikal na kondisyon ang tricycle driver na kaagad isinugod sa ospital.
Ayon pa sa ilang saksi, yuping-yupi ang bubong at pader ng sari-sari store dahil sa lakas ng impact ng pagbangga ng truck na mayroong sakay na gypsum na ginagamit sa paggawa ng semento.